MANILA, Philippines - Karagdagang 700 tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Highway Patrol Group (HPG) ang ipapakalat sa ilang pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila lalu sa EDSA dahil na rin sa mas lumalang trapik.
Nabatid kahapon kay MMDA Traffic Discipline Office Director Atty. Crisanto Saruca, ang PNP Highway Patrol Group ay magtatalaga ng dagdag na 250 tauhan nito habang 450 namang tauhan mula sa MMDA.
Tuwing holiday season ay tumataas sa 25 porsiyento ang traffic volume dahil na rin sa dagsa ng mga sasakyan lumuluwas mula probinsiya para mamili sa Maynila.
Kasabay pa rin nito, sinabi ni Saruca na kawalan pa rin ng disiplina ng mga motorista at pedestrians ang isa pa rin sa pinag-uugatan ng trapik sa kalsada.
Malaking tulong umano sa problema ng trapiko ang disiplina at pagsunod ng batas trapiko ng mga motorista at pedestrians.