MANILA, Philippines – Utas ang isang tauhan ng Department of Public Safety and Traffic Management Office (DPSTM) ng Caloocan City Hall, habang dalawa pa ang sugatan nang paulanan sila ng bala ng riding in tandem kamakalawa sa nabanggit na lungsod.
Hindi na umabot ng buhay sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital ang 61- anyos na si Joselito Valencia, ng Block 4 Lot 10 Brgy. 176 Bagong Silang, ng naturang lungsod. Nakaratay naman sa naturang pagamutan sina Gunder Reyno, 51, at Ricardo Gatmaitan, 67, kapwa kasamahang traffic enforcer ng nasawi.
Agad namang nakatakas ang dalawang salarin na kapwa nakasuot ng itim na jacket, crash helmet at sakay ng walang plakang itim na Yamaha Mio scooter.
Sa ulat ng pulisya, nagkukuwentuhan sa tapat ng DPSTM Office sa tabi ng Tala Cemetery ang tatlong biktima dakong alas-10:25 ng umaga nang huminto sa tapat nila ang mga salarin at agad silang pinaulanan ng bala.
Tinamaan si Valencia sa dibdib ng dalawang bala habang sa kanang hita si Reyno at sa sikmura si Gatmaitan.
Narekober ng mga tauhan ng Northern Police District-Crime Laboratory Office ang tatlong cartridge at isang bala ng kalibre .45 sa lugar ng krimen.
Patuloy ngayon ang masusing imbestigasyon at follow-up operations ng pulisya sa insidente.