MANILA, Philippines – Lumutang na rin ang ikalawang suspek sa ‘pagdukot sa isang estudyante ng La Salle Greenhills at itinuro ang mismong tiyahin ng biktima na siyang utak umano ng krimen.
Ayon kay P/Inspector Roberto Garcia, hepe ng Pasig Police Criminal Investigation, kusang loob na sumuko ang suspek na si Billy Joe Pantol, 26, construction helper, at residente ng Brgy. Bambang, kasunod nang pag-uutos ni Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Elmer Jamias nang paglulunsad ng isang malawakang manhunt operation laban sa kanya.
Dakong ala-1:30 ng hapon kahapon nang magtungo sa tanggapan ni Jamias sa EPD headquarters si Pantol, kasama si Brgy. Chairman Reynaldo Samson, ng Bambang, Pasig City at kanyang abogadong si Atty. Tristan Reyes.
Inamin nito sa pulisya ang naging papel niya sa pagkidnap sa 12-anyos na grade 8 student ng nabanggit na paaralan.
Gayunman, ayon kay Pantol, ang tiyahin ng biktima na si Annalyn Perez ang siya umanong utak ng krimen.
Sinabi ni Pantol, una siyang inalok ng trabaho sa konstruksiyon ni Perez kaya’t pumayag siya lalo na’t matagal na niya itong kaibigan ngunit malaunan ay nauwi sa pagkidnap at panghihingi ng ransom ang kanilang usapan. Ani Pantol, nakapasok siya sa parking lot ng paaralan nang hindi lumalagda sa logbook dahil nakasakay na siya sa sasakyang minamaneho ni Perez.
Isang matigas na bagay na nakabalot sa damit at kunwari ay baril ang ginamit nila para palabasin sa biktima na hinuholdap nila ito.
Sinabi ni Pantol na natakot siya kaya’t hindi kaagad siya nakasuko sa mga awtoridad.
Sina Pantol at Perez ay nahaharap na sa kasong Robbery Extortion in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law at nakadetine sa Pasig City Police.
Matatandaang sinundo ni Perez sa paaralan ang pamangking biktima dakong alas-2:15 ng hapon noong Disyembre 6, ngunit pagsakay nito ay isang lalaki rin ang biglang sumakay sa kanilang Toyota Vios at nagdeklara ng holdap. Ang naturang lalaki ay natukoy na si Pantol.
Tinawagan naman ni Perez ang ama ng bata na hiningan ng pera na noong una ay P100,000 ngunit nagkatawaran at malaunan ay nagkasundo sa halagang P40,000.
Sa kabilang dako, tiniyak naman ng pamunuan ng La Salle Greenhills na ginagawa nila ang lahat para mapangalagaan ang lahat ng kanilang mga estudyante.
Nire-review na rin nila ang kanilang security protocol para lalo pa itong mapalakas at higit na maging epektibo para makatiyak sa kaligtasan ng kanilang mga mag-aaral.
“The school administration would like to assure the LSGH community that the school is implementing all necessary precautions to continuously ensure the safety and security of everyone, most specially the students, when they are inside the school premises,” ani LSGH President Bro. Victor A. Franco, FSC.