Autoshop, hinoldap 3 sasakyan, vault tinangay
MANILA, Philippines – Isang autoshop ang pinasok ng pitong armadong kalalakihan saka ginapos ang dalawang guwardiya at dalawang kawani nito, bago tinangay ang tatlong sasakyan at dalawang vault na naglalaman ng mga tseke at pera ng kumpanya dito, sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang pinasok na establisyemento ay ang parking area ng DK motors na matatagpuan sa no. 393 Mindanao Avenue sa Barangay Tandang Sora sa lungsod na ni-represent ng store manager nito na si Allen Ramiscal, 50.
Ayon kay PO2 Anthony Tejerero, imbestigador, natangay ng mga suspect sa naturang shop ang isang Tucson (TPI- 911), Toyota Camry (ZNC-231), Honda CRV (VRB-343), dalawang safety vault na naglalaman ng hindi pa madeterminang halaga ng assorted checks at cash money; at apat na CPUs, monitors at CCTV.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente ganap na ala-1:51 ng madaling-araw habang ang mga security guard na sina Jorge Medel at Wendel Lumabao ay nagbabantay sa nasa-bing auto shop.
Ilang sandali, isang Honda CRV na kulay gold at plakang UIT-818 ang biglang dumating hanggang sa bumaba ang isa sa mga lalaking sakay nito at nagkunwa-ring customer.
Matapos nito, biglang pinuwersa ng lalaki na buksan ang metal roller barriers ng autoshop sa may entrance nito saka biglang pinarada ang kanilang sasakyan sa loob ng compound ng D.K motors. Dito na ipinasya ng sekyu na si Medel na ilista ang numero ng plaka ng CRV sa logbook. Gayunman, nang lapitan ni Medel at paalalahan ang driver ng CRV, isa pa sa mga suspect ang biglang bumaba at sabay tutok ng baril sa kanya at iginapos ng duck tape.
Nang mapuna naman ng sekyu na si Lumabao ang komosyon ay lumapit din ito sa naturang sasakyan pero bumaba ang apat na armadong lalaki at tinutukan din siya ng baril bago iginapos ang kanyang mga kamay at paa gamit ang duck tape at nylon cord.
Samantala, ang iba namang suspect ay iginapos din ang stay-in na kawani ng shop na si Jerome Paster, electrician, at Wilson Lentija, maintenance.
Matapos maigapos ang apat na biktima ay sinimulan na ng mga suspect ang paglimas sa opisina ng D.K motors kung saan tinangay ang mga nasabing mga sasakyan at gamit. Bukod dito, tangay din ng mga suspect ang CCTV main recorder ng kumpanya para walang makitang ebidensya. Sa kabilang banda, habang nililimas ng mga suspect ang gamit ng kumpanya ay nagawa namang makalas ng dalawang guwardiya ang kanilang gapos saka humingi ng tulong sa kabilang gusali para humingi ng tulong sa pulis.
Subalit, mabilis na tumakas ang nasabing mga suspect sakay ng kanilang get away gayundin ang tatlong sasakyan na ibinibenta ng nasabing shop.
Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente habang inalarma na rin sa kapulisan ang nasabing mga sasakyan.
- Latest