Isinarang mga kalsada sa Makati City, pinabuksan na
MANILA, Philippines – Dahil sa dulot na matinding trapik, bukas na sa mga motorista ang ilang kalsadang isinara na apektado sa pagbagsak ng mga tipak-tipak na bato dahilan upang tamaan ang isang pedestrian na Australyana habang dini-demo-lish ang gusali ng isang five star hotel noong Biyernes ng hapon sa Makati City.
Inatasan ni Makati City Mayor Romulo ‘Kid’ Peña Jr. ang tanggapan ng Public Safety Department (MAPSA), na tanggalin na ang one-way traffic scheme na ipinatupad sa kahabaan ng Paseo de Roxas Avenue, mula sa panulukan ng Makati Avenue hanggang Buendia Avenue.
Ito ay upang lumuwag ang daloy ng trapiko sa mga motoristang babagtas sa nabanggit na mga lugar.
Matatandaan, na nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa mga motorista ang insidente nang isinara ang mga kalsadang nasa hurisdiksiyon ng demolition.
Sinabi ni Peña, suspendido pa rin ang isinasagawang demolition sa gusali ng hotel, na matatagpuan sa panulukan ng Paseo de Roxas at Makati Avenue hangga’t hindi nakukumpleto ang investigation report, ang pinag-ugatan at kung sino ang responsable sa insidente.
Nabatid, na pinasuspinde noong Sabado ng alkalde ang demolition sa naturang gusali matapos tamaan ang isang Australian national na si Suzzane Mellor, 56 at isang Toyota Fortuner mula sa mga nagbagsakang tipak-tipak na bato.
Pinayuhan din ni Peña ang publiko lalu na ang mga pedestrian na huwag munang dumaan sa naturang mga lugar para maiwasan aniya ang disgrasya.
- Latest