MANILA, Philippines - Dahilan sa inaasahan pang pagsisikip ng daloy ng trapiko ngayong ‘holiday season’, maglalagay ng Christmas Express Lane ang PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa ilang bahagi ng EDSA umpisa sa unang linggo ng Disyembre hanggang Enero ng susunod na taon.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP-HPG Spokesperson Supt. Grace Tamayo, bagaman napaluwag ng PNP-HPG ang trapiko sa kahabaan ng EDSA matapos na kunin ang kontrol dito sa Metro Manila Development Authority (MMDA) simula noong Setyembre 7 ng taong ito, dahilan sa ‘Christmas rush’ o paghahabol sa pagsho-shopping ng mga tao ay inaasahan ang matindi na namang trapiko.
Ang Christmas Express lane, ayon kay Tamayo ay ang ‘innermost lane’ ng EDSA southbound mula Shaw Boulevard sa Mandaluyong City hanggang sa makarating sa bahagi ng Mall of Asia (MOA) sa Pasay City.
Nahahati ito sa pamamagitan ng mga kulay dalandan na plastic barrier na siya ring ginamit ng PNP-HPG sa ginanap na APEC Summit 2015 noong nakalipas na Nobyembre 17-20 ng taon.
Sinabi ni Tamayo na nangangahulugan ito na lahat ng mga sasakyan na galing Shaw Boulevard na papasok sa ‘Christmas Express lane’ ay dire-diretso na hanggang Pasay City patungong MOA.
Nilinaw naman nito, na ang Christmas Express lane ay may bukas na daan patungo naman sa Ayala at Buendia sa Makati City sakaling ang nais naman ng mga kinauukulan na sa lugar na lamang mag-shopping sa Glorieta mall, SM at iba pa.
Samantalang sa northbound lane naman ay maglalagay ang PNP-HPG ng mga kulay dilaw na barrier sa “yellow lanes” upang hindi na magpalipatlipat pa sa kabilang linya ang mga pampasaherong bus na bumibiyahe at nagdaraan sa kahabaan ng EDSA.
Binigyan diin pa ng opisyal na sa pamamagitan ng nasabing sistema na naisipan ng PNP-HPG ay mapapagaan ang masikip na daloy ng trapiko sa kapaskuhan lalo pa na abala ang mga tao sa pamimili ng mga aginaldo.