Rider na teacher patay sa salpok

MANILA, Philippines – Patay ang isang teacher matapos sumalpok ang minamaneho nitong motorsik­lo sa isang nakaparadang trailer truck na walang early warning device kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Namatay habang gina­gamot sa Bernardino Gene-­ral Hospital sanhi ng matin­ding  pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Rowel Wisco, 24, teacher ng Caloocan City Science and Technology High School at residente ng #380-Kalantas St., Hillcrest Village ng nasabing lungsod.

Ayon sa report ni SP04 Elvis Imperial, ng Caloocan City Traffic Bureau, naganap ang insidente alas-3:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng Camarin Road, Barangay 172 ng naturang siyudad.

Minamaneho ng biktima ang Honda motorcycle (3996-NR) at habang binabagtas ang nasabing lugar patungong Almar nang sumalpok ito sa isang nakaparadang trailer truck na may plakang PUC-995 at nakarehistro sa Wollem Philippines Shipping Inc.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima at mabilis itong dinala ng rescue team sa naturang ospital, subalit namatay ito habang ginagamot.

Ipinarada ang naturang trailer truck ng driver na si Jaime Lita, subalit hindi ito nilagyan ng early warning device.

 

Show comments