Fish port sa Quiapo bubuksan sa 2016

MANILA, Philippines – Inaasahang kasunod ng nalalapit na pagbubukas ng renovated Quinta Public Market sa Quiapo, Maynila, ay uusbong ang isang bagong commercial hub o sentro ng komersyo sa lungsod, at lalawak at sisigla ang negosyo at kalakalan sa paligid ng Pasig River. Ito ang malugod na ibinalita kahapon ni city engineer Roberto Bernardo na alinsunod sa magagandang plano ni Mayor Joseph Estrada na magkakaroon ng sariling fish port ang Quinta Market simula Abril 2016.

Ayon kay Bernardo, kapag nabuksan na ang renovated market, ang mga barge na may dalang mga sariwang isda at iba pang lamang dagat mula sa iba’t- ibang lugar ng bansa ay pwede ng dumaong sa Pasig River mini-pier.

Kaakibat nito ay ang planong pagtatayo ng isang ferry station bilang alternatibong transportasyon sa Pasig River para sa mga mamimili sa lungsod at kalapit na lugar.

Pinaliwanag ni Bernardo na walang ilalabas na pondo ang city government sa pagsasaayos ng Quinta market at ang katuwang na kumpanya ng pamahalaang lungsod na Market Life Leasing Corp. ang gagastos ng P100 million para sa nasabing proyekto.

Inaasahang matatapos at ilulunsad ang modernong 3-palapag na Quinta Market sa Abril ng susunod na taon na magta­tampok ng wet and dry section sa unag palapag at commercial outlets. Ang parking space naman ay sa 2nd at 3rd floors, mas malinis na pasilidad, sapat na ilaw, maayos na mga palikuran, at mas magandang pamilihan para sa lahat, dagdag ni Bernardo.

Show comments