MANILA, Philippines – Muling nakasamsam ng mga kontrabando na kinabibilangan ng mga baril, appliances at electronic gadgets ang raiding team ng Bureau of Corrections (BuCor) nang magsagawa ang mga ito ng ikaapat na ‘Oplan Galugad’ sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Ayon kay BuCor director retired Lt. General Rainier Cruz III, alas-5:00 ng umaga nang suyurin ng may 100 raiding team ng BuCor ang quadrant 4, na nasa building 9 sa loob ng Maximum Security Compound ng NBP, na nasa 1,000 inmates ang nakabilanggo dito.
Halos may limang oras na nagsagawa ng ‘Oplan Galugad’ ang operatiba sa mga selda ng pangkat ng ‘Sigue-Sigue Sputnik’, ‘Commando Gang’ at ‘Genuine Ilocano Goup’ (GIG).
Ginalugad din ng mga ito ang building 14 ng Maximum Security Compound, kung saan nakapiit ang may 53 high profile inmates.
Nasamsam ng raiding team ang isang improvised shotgun, 1 kalibre .45, 1 kalibre .38, cellphone, drug paraphernalias, ilang patalim, remote helicopter, improvised cooler o refrigerator, mga flat screen television, antenna, signal booster, microwave, plain card, component at mga cellphone.
Iniimbestigahan na ang mga bilanggong nakakulong sa mga quadrant na nakuhanan ng naturang mga kontrabando.
Matatandaan, na kamakailan lamang ay nakakumpiska ng napakaraming kontrabando ang mga awtoridad sa kanilang sunud-sunod na raid sa nabanggit na bilangguan.