Gulo sa bar, kelot patay sa kuyog

MANILA, Philippines – Patay ang isang 55 anyos na lalaki nang kuyugin ng grupo ng kalalakihan sa katabing mesa sa loob ng isang bar, sa Binondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Matinding pinsala sa ulo at katawan ang ikinasawi ng biktimang si Antonio Amaro, delivery man, residente ng no. 521 Madrid st. Binondo,Maynila.

Sa ulat mula sa tanggapan ni P/Supt. Romeo Macapaz, hepe ng Manila Police District-station 11, dakong alas 3:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng 3M Bar na matatagpuan sa Madrid st.

Sa inisyal na ulat, ang biktima at ilang kaibigan ay umiinom sa nasabing bar nang makaalitan ang katabing lamesa na grupo ng mga suspek.

Nang magkarambulan ay naiwan at nakorner ang biktima kaya siya lamang ang nadale ng grupo ng mga suspek.

Nang lantang gulay na ay iniwan na ng mga suspek ang biktima na dinala sa Justice Jose Abad Santos General Hospital ng isang Renie Mojares subalit alas 4:15 ng madaling araw ay binawian ito ng buhay.

Inaalam pa ang pagkilanlan ng mga suspek para arestuhin at masampahan ng kaso.

Show comments