Pedicab driver na holdaper, itinumba

Bulagta ang pedicab driver na sinasabing suma-sideline na holdaper makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman sa panulukan ng Laurel at  Coral Sts. sa Tondo, Maynila. Bernardo Batuigas

MANILA, Philippines – Isang 36-anyos na pedicab driver na sinasabing dawit sa panghoholdap ang natagpuang patay sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Christopher Adrales, miyembro ng Batang City Jail (BCJ) at  residente ng Magsaysay St. Tondo, Maynila.

Sa inisyal na ulat ni PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas -10:30 ng gabi nang madiskubreng walang buhay ang biktima sa tapat ng isang bahay sa Laurel St. Tondo.

Sa pagsusuri, limang tama ng bala sa ulo ang tinamo ng biktima na nagresulta sa agad nitong kamatayan.

Hindi naman nakakuha ng testigo ang pulisya na posibleng takot ang mga residente na magbigay ng anumang impormasyon hinggil sa pamamaslang.

Naberipika naman sa rekord ng nakasasakop na  Bara-ngay 120, Zone 9 ang biktima ay nasasangkot sa ilang insi-dente ng holdapan sa kanilang lugar at sa ilan pang kalapit na barangay at lumalabas na solo umano ito kung magsagawa ng panghoholdap.

Show comments