‘Tulak’ todas sa engkuwentro

MANILA, Philippines – Patay ang isang 18-anyos na pinaniniwalaang ‘tulak’ ng droga matapos na ma­kaengkuwentro ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Highway Patrol Group at National Capital Regional Police Office sa Baseco Compound, kahapon ng madaling-araw.

Batay sa imbestigasyon ni  PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, nakilala ang biktima na si Mhedz Manungcal, ng Baseco  Compound, Tondo, Maynila.

Ayon sa ulat, magsisilbi ng warrant of arrest ang mga tauhan ng CIDG sa isang bahay sa Baseco Compound nang biglang may magpaputok mula rito.

Ito na rin ang naging dahilan ng mga pulis na sina PO1 Mark Lewis Balongag at PO2 Melvin Jara Balbag na kapwa miyembro ng Rapid Deployment Company (RDC) para gumanti ng putok kung saan tinamaan ang suspek.

Sa pagsisiyasat ng  Scene of the Crime Operatives (SOCO), nakuha mula sa suspek ang 27 sachet ng shabu, isang .38 caliber revolver at ilang bala ng baril.

Sinasabing ang suspek ay isa lamang sa mga kilabot na pusher na pinaghahanap ng mga awtoridad. Ilan din sa mga residente sa lugar ang pag­sisilbihan ng warrant of arrest dahil na rin sa pag-iingat ng mga baril.

Show comments