Isko nagpasalamat sa pag ‘ampon’ ni Bongbong Marcos
MANILA, Philippines - Nagpasalamat si Manila Vice Mayor Isko Moreno na tatakbong Senador kay Vice Presidential candidate at Senator Bongbong Marcos sa pahayag nito na kanyang sinusuportahan ang pagtakbo ng bise alkalde sa May 2016 elections.
Sa panayam kay Moreno sa 23rd National Convention ng Vice Mayor’s League of the Philippines (VMLP) sa Marriott Hotel, sinabi nito na malaking karangalan na hayagang suportahan ni Marcos na isa sa mga maituturing na magagaling na mambabatas sa ngayon.
Hindi umano niya inaasahan ang ‘public announcement’ ni Marcos lalo pa’t wala pang senatorial line up ang senador.
Pinagtutuunan muna niya sa ngayon ay ang kanyang tungkulin bilang bise alkalde ng lungsod at pagiging pangulo ng VMLP. May mga sinumpaang tungkulin pa rin siya sa mga Manilenyo na dapat niyang asikasuhin.
Ayon naman kay Marcos, pinili niyang suportahan ang kandidatura ni Moreno sa Senado dahil sa karanasan nito sa local government.
Aniya, kailangan ng national government ng mga opisyal na tulad ni Moreno na tunay na may pagpapahalaga at malasakit sa kapwa.
Sa katunayan ay maraming proyekto si Moreno sa Maynila na magbibigay ginhawa sa Manilenyo subalit nahahaluan ng pulitika at kontrobersiya. Natural lamang umano na may partisipasyon din ang publiko upang mas maging madali ang implementasyon nito kung saan makikinabang ang nakararami.
Maituturing ring ‘visionary’ si Moreno dahil sa lawak na pag-iisip nito upang masolusyunan ang problema sa mga susunod na panahon.
- Latest