MANILA, Philippines - Umaabot sa P200 bilyon halaga ng smuggled agricultural foods ang ipinupuslit papasok sa bansa simula pa noong 2010.
Ito ay ayon sa grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ay naganap mula nang maupo sa posisyon si Pangulong Aquino.
Sa ginanap na press conference sa QC, sinabi ni Rosendo So, chairperson ng SINAG na magmula nang maupo si PNoy ay nanawagan na sila na masusing siyasatin ang nagaganap na smuggling ng agri food products sa bansa pero hindi ito naaksiyunan.
Anya, sa bigas pa lamang ay aabot na sa P94 bilyon halaga ng pagkaing agrikultura ang ini-smuggle sa bansa.
Kasunod nito ay ang smuggling ng baboy na nagkakahalaga ng P40 bilyon, habang sa asukal ay aabot sa P25 bilyon ang pinupuslit hindi pa kasama rito ang smuggled na agri products tulad ng manok, bawang, sibuyas at carrots.
Idinagdag pa ng grupo na sa loob ng limang taon mula 2004 hanggang 2009, ang smuggling ng mga produktong agrikultura ay aabot sa P94 bilyon halaga.
“Sa halip na pangalagaan at tulungan ang lokal na industriya ng agrikultura na tanging ikinabubuhay ng milyun-milyong pamilyang Pilipino, tila wala nang intension ang pamahalaan ito na masabat ang smuggling,” dagdag ni So.
Nanawagan din ang grupong Sinag sa bagong talagang DOJ Secretary Alfredo Benjamin Caguioa na patunayan na kaiba siya sa dating secretary na si Leila de Lima na tatakbong senator na agad sampahan ng kasong smuggling ang umano’y rice smuggler na si Davidson Bangayan at iba pang personalidad na tinukoy ng Senate Committee of Agriculture kamakailan.