MANILA, Philippines - Isang bangkay ng lalaki na pinaniniwalaang biktima ng salvage ang lumutang sa Pasig River, sa bahagi ng Binondo, Maynila, sa ulat kahapon.
Nabatid na itinawag sa Manila Police District-District Tactical Operations and Communications (DTOC) ang natagpuang bangkay alas-9:15 ng umaga nitong Biyernes.
Walang nakuhang anumang pagkakakilanlan sa biktima na inilarawan ni PO3 Jorlan taluban ng MPD-Homicide Section na nasa 35 hanggang 40 anyos, 5’3 ang taas, maikli ang buhok, katamtaman ang pangangatawan, maputi, tadtad ng tattoo ang katawan partikular sa dibdib na may “12 DE UNA URAGON”. “JR AAP” at “BOY SUMPAK” sa likod, “LITO FERIA” sa kanang bahagi ng torso, “TAN, RHEA, at tribal design” sa kanang braso, “JACKIELYN WISE 23” at “KULOT” sa kanang hita, spider web design sa kanang binti, walang sapin sa paa, nakasuot ng maong na shorts at puti ang t-shirt,
Sa imbestigasyon, napansin lamang ng bystanders ang nakalutang na bangkay sa likod ng Uno Restaurant, sa Muelle Del Banco St., Escolta, Binondo, Maynila.
Sa pagsusuri, nagtamo ng bala sa panga ang biktima na posibleng matapos barilin ay itinapon sa ilog.
Inilagak sa St. Ivan Funeral morgue ang bangfkay.