Preso sugatan sa kakosa
MANILA, Philippines – Isang preso ang sugatan matapos pagsasaksakin ng kanyang kakosa matapos mag-agawan sa lagare na naganap sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) kamakalawa ng hapon sa Muntinlupa City.
Ginagamot sa Infirmary ng NBP ang biktimang si Edward Villanueva, miyembro ng Commando Gang, may kasong robbery-hold-up, nagtamo ito ng dalawang saksak sa tagiliran at kanang braso buhat sa isang patalim habang inilagay sa isolation area ang suspek na si Cesar Aguilar.
Ayon kay Monsignor Roberto Olaguer, tagapagsalita ng NBP, naganap ang insidente alas-5:00 ng hapon sa building 5 ng Maximum security compound.
Lumalabas sa imbestigasyon na nag-ugat ang awayan ng dalawa nang mag-agawan ang mga ito sa lagare dahil parehas na nagtatrabahong karpintero.
Sinabi ni Olaguer na nasa ligtas nang kondisyon ang biktima, ngunit posibleng dalhin pa sa Muntinlupa General Hospital upang isailaim ito sa X-ray.
Iniimbestigahan pa ng pamunuan ng NBP ang nasabing insidente.
- Latest