MANILA, Philippines – Sa huling araw ng filing ng certificate of candidacy, naghain ng (COC) ang mga re-electionist na sina Parañaque City Mayor Edwin Olivarez; Taguig City Mayor Lani Cayetano at Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi sa kani-kanilang Comelec satellite office.
Sa muling pagtakbo ni Olivarez sa 2016 election, sa history ng Parañaque City, ito ang unang pagkakataon na wala itong kalaban sa pagka-alkalde na nasa ilalim ng Liberal Party (LP) at tinawag ang grupo nito na “Bagong Parañaque”.
Alas-8:00 kahapon ng umaga nang maghain ng COC sa Comelec si Olivarez, kasama ang grupo nitong sina Vice Mayor Rico Golez, na muling tatakbo sa pagka-bise alkalde; Parañaque City 1st District Congressman Eric Olivarez; 2nd District Congressman Gustavo Tambunting.
Alas-10:00 naman ng umaga kahapon nang pormal na naghain ng COC si Fresnedi kasama ang grupo nito at kanyang mga taga suporta.
Si Fresnedi ay muling tatakbo sa pagka-alkalde sa ilalim ng Liberal Party kung saan makakalaban nito si dating Mayor Aldrin San Pedro at ang kasalukuyang bise alkalde na si Artemio Simundac.
Samantala, sa ilalim naman ng Nacionalista Party tatakbong muli sa pagka-alkalde si Cayetano nang magfile ito ng COC kasama ang kanyang bise alkalde na si Ricardo Cruz Jr.