MANILA, Philippines – Tinuldukan na ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang mga katanungan ng publiko nang ideklara nito ang kanyang pagtakbo sa Senado kahapon ng umaga sa harap ng Tondo High School na kanyang alma mater sa Tondo, Maynila.
Dito rin ipinakita ng magka-tandem na sina Senators Grace Poe at Chiz Escudero ang kanilang suporta sa pagtakbo ni Moreno nang sabay-sabay silang dumating sa Tondo at ihayag ang kanyang desisyon sa 2016 elections.
Ibinunyag ni Poe na ilang buwan bago ang kanilang deklarasyon ni Escudero sa kanilang pagtakbo sa 2016 presidential at vice-presidential elections ay, kinausap na niya si Moreno at hinikayat na sa kanilang tambalan na sumama sa halip na ibang partidong nagnanais ding makasama si Moreno.
Opisyal na kandidato ng Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) si Moreno at tulad ni Leyte 1st District Martin Romualdez ng United Nationalist Alliance (UNA) ay guest candidates ng tambalang Poe-Escudero.
Giit ni Poe na kailangan ng Senado si Moreno upang magkaroon ng boses ang mga taga-Tondo na malapit sa kanyang puso dahil naging inspirasyon aniya ito ng kanyang amang si Fernando Poe Jr. sa kanyang mga pelikula.
Ayon naman kay Moreno, minarapat niyang magtungo muna sa paaralan kung saan siya nag aral bago maghain ng COC sa pagka-senador.
Bahagyang naiyak si Moreno nang banggitin niyang kailangan muna niyang lumiko ng bahagya upang tuparin ang kanyang iba pang pangarap. Subalit “mayor” pa rin ang isinisigawa ng mga tagasuporta ni Moreno.
Sinabi ni Moreno na hindi naman niya itinatanggi na pangarap niyang maging alkalde ng Maynila subalit kailangan lamang muna niyang magparaya upang maiwasan ang pagkakawatak-watak ng Manilenyo.
Sinamantala na rin ni Moreno ang pagkakataon na umapela sa mga Manilenyo na suportahan siya sa pamamagitan ng text sa mga kamag-anak nito sa Luzon, Visayas hanggang Mindanao. “Isang text lang yan at may unli text din,“ ani Moreno.
Matapos ang maikling programa ay agad na dumiretso si Moreno sa Comelec kasama ang kanyang misis na si Dynee.