MANILA, Philippines - Naghain na rin kahapon ng umaga ng certificate of candidacy (COC) sa Commission of Election (COMELEC) para tumakbong alkalde sa 2016 si Makati Acting Mayor Romulo ‘Kid’ Peña. Alas-11:00 ng umaga nang mag-file ng COC sa Makati City, COMELEC si Peña.
Ang kanyang bise alkalde ay ang anak ni dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado na si Marie Jane “Carla” Pascual Mercado at ang mga congressman naman nito sa unang distrito ay si Miko Garcia at sa ikalawang destrito ay si Israel “Boyet” Cruzado, konsehal at dating kaalyado ng mga Binay.
Nabatid, na bago nag-file ng COC si Peña ay dumalo muna ito sa kanyang State of City Address (SOCA) alas-9:30 ng umaga na isinagawa sa Makati Coliseum kung saan binigyang diin nito ang pagpapabuti ng serbisyo publiko, transparency, dagdag benepisyo sa mga matatanda at universal insurance sa lahat ng kawani ng pamahalaang lungsod ng Makati.