MANILA, Philippines – Ipinapanukala ngayon ng pamunuan ng Caloocan City Police na panahon na para gawing isang “Police District Office” ang istasyon dahil sa lawak ng nasasakupan at dami ng populasyon ng lungsod na maikukumpara sa Maynila at Quezon City.
Ito ang inihayag ni Caloocan Police chief, Sr. Supt. Bartolome Bustamante makaraan ang ilang ulat buhat sa Northern Police District na pinakamataas ang antas ng krimen sa Caloocan kumpara sa Malabon, Navotas at Valenzuela City na bumubuo sa Northern Manila.
Ngunit sinabi ni Bustamante na hindi patas na ikumpara ang Caloocan sa naturang tatlong mas maliliit na lungsod. May kabuuang populasyon umano ang Caloocan na 1.6 milyon na mas mataas pa kumpara sa 1.1 milyong pinagsama-samang populasyon ng tatlong lungsod.
Mas tama umano na ikumpara ang Caloocan City Police sa Quezon City Police District at Manila Police District dahil sa ikatlo ang lungsod sa populasyon habang ikalawa naman sa pinakamalawak na lupain kasunod lamang ng Quezon City.
Inihahanda na umano ng Caloocan Police ang mga dokumento para sa pormal na paghiling sa pamumuan ng Philippine National Police (PNP) na gawing Police District ang Caloocan o tatawaging “Caloocan City Police District (CCPD)” at hihiwalay na sa NPD.
Kung mangyayari ito, ang 850 kabuuang puwersa ng pulisya sa lungsod ay aakyat sa 2,000 habang mapupunan na rin ang kawalan ng presinto sa ilang malalaking lugar sa lungsod tulad ng Gen. Luis na may tatlong malalaking barangay at Baesa.
Kumplikado rin umano ang posisyon ng lungsod ng Caloocan na nahahati sa dalawang magkahiwalay na North at South district na tila magkahiwalay na isla at daraan pa sa lungsod ng Quezon bago mapuntahan. Dahil dito, nahihirapan ang pulisya na makaresponde sa mga nagaganap na krimen dahil sa layo ng biyahe mula District 2 tungo sa District 1 na kapos sa tauhan.