MANILA, Philippines – Tiniyak ni Unibersidad De Manila President Atty. Ernest Maceda na mas magiging competitive student ang mga magsisipagtapos sa nasabing unibersidad.
Ang paniniyak ay ginawa ni Maceda kasabay ng pagtatalumpati ni Senador, Bongbong Marcos noong Miyerkules kung sinabi ng senador ang hindi tamang nangyayaring pamamalakad ng gobyerno.
Bagama’t marami nang magagaling na produkto ang UDM, kailangan pa rin ang pagpupursige upang makasabay sa galing ng iba pang unibersidad sa kabila ng kakapusan sa pera upang makapag-aral.
Batay na rin sa pahayag ni Senator Marcos, hindi inaasahan ng kanyang misis na si Atty. Liza Araneta-Marcos na nagpapakita ng tiyaga, pagpupursige at sipag ang mga estudyante ng UDM, kaya’t ito ang paborito nitong unibersidad na tinuturuan. Kailangan lamang ang suporta ng pamahalaan.
Paliwanag ni Maceda, mas maraming estudyante sa mga government university ang magagaling subalit hindi nabibigyan ng pagkakataon na ipakita ang kanilang galing dahil na rin sa kakulangan ng pantustos sa gastusin.
Kaugnay nito, tinawag ni Maceda na ‘visionary’ ang senador dahil na rin sa galing nito sa pagpaplano at pangangailangan para sa maunlad na bansa. Isa sa mga naisip ng Marcos ay ang windmill sa Bangui, Ilocos Norte.
Nakakalungkot lamang aniya dahil ang mga maayos at tamang pagpaplano ay nahahaluan ng pamumulitika.
Samantala, nagpahayag naman ng paghanga ang ilang konsehal sa naging talumpati ni Marcos . Ayon kina Manila 1st District Councilor Ernix Dionision, 5th District Councilors Cassy Sison at TJ Hizon, nagbigay inspirasyon si Marcos hindi lamang sa mga estudyante kundi maging sa mga guro.