Mister naghatid ng anak sa eskwela, bago itinumba

MANILA, Philippines - Matapos ihatid ang anak sa eskwela, isang kawani ng Pasay City Hall ang pi­nagbabaril hanggang sa  mapa­tay ng hindi pa nakikilalang suspek kahapon ng umaga sa Pasay City.

Dead on the spot ang biktimang si Ben William Reyes, 48, nakatalaga sa  Public Order and Safety Office (POSU) ng Pasay City Hall  at naninirahan sa M. Dela Cruz St., ng nasabing lungsod sanhi ng tatlong tama ng bala ng kalibre .45 baril na tinamo sa ulo at katawan.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek at nagsasagawa pa ng follow-up hinggil sa insidente.

Sa natanggap na report ni Senior  Supt. Joel Doria, hepe ng Pasay City Police, naganap ang insidente  alas- 6:15 ng umaga sa Manda Compound, M. Dela Cruz   ng nasabing lungsod.

Nabatid na kahahatid  lang ng biktima sa kanyang anak sa eskuwelahan at habang naglalakad ito sa naturang lugar ay biglang sumulpot ang suspek na nakasakay ng motorsiklo na walang plaka.

Biglang bumunot ng baril ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril nito ang biktima na agad na nasawi.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na pinaharurot ng suspek ang kanyang motorsiklo at tumakas.

Inaalam na rin ng pulisya kung mayroon nakalagay na CCTV camera sa pinangyarihan ng insidente para na rin sa ikalilinaw ng kaso nito. Blangko pa rin ang pulisya sa motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima.

Show comments