P100-M shabu nasabat sa drug bust operations
MANILA, Philippines - Umaabot sa P100-M halaga ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng PNP-Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF)sa isinagawang buy-bust operations sa boundary ng lungsod ng Quezon at Caloocan, kamakalawa ng gabi.
Gayunman, ayon kay Sr. Supt. Antonio Gardiola Jr., Chief ng PNP-AIDSOTF, nakatakas sa buy bust operations ang target na pinaghihinalaang Chinese drug lord na si Mico Tiu Tan.
Sinabi ng opisyal, bandang alas-10 ng gabi, nakipag-deal ang kanilang mga poseur buyer na bibili ng shabu sa Brgy. Monica sa hangganan ng Caloocan City at Novaliches, Quezon City.
Nabatid na nagkasundo ang mga operatiba at si Tan na magkita sa Fairview pero napansin ng suspek na may sumusunod sa kaniyang behikulo.
Dahil dito, naghinala ang target na si Tan na isang entrapment ang kanyang napasok na transaksyon kaya napilitan itong tumakas at inabandona sa nabanggit na lugar ang sasakyan nitong Toyota Avanza (WOL 771).
Ayon naman kay PNP-AIDSOTF Spokesman Chief Inspector Roque Merdeguia, nang inspeksyunin ang naturang sasakyan ay natagpuan ang nasa 20 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P100 M.
“Our operatives immediately chased him after securing his vehicle but he suddenly disappeared. We suspect that somebody fetched him in the area,” pahayag pa ni Merdeguia.
Sinabi pa ni Merdeguia, na posibleng ang sindikato ng droga na kinabibilangan ng suspect ay matagal ng nag-ooperate pero gumamit lamang ng ibang pangalan.
Samantalang, posibleng si Tan ay konektado rin umano sa malaking sindi-kato ng droga na nalansag na ng PNP-AIDSOTF at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nagpapatuloy naman ang pinalakas na anti-drug campaign ng mga awtoridad laban sa illegal na droga kaugnay ng napaulat na 90% ng mga barangay sa Metro Manila ay apektado ng iba’t-ibang uri ng bawal na gamot.
- Latest