MANILA, Philippines – Apat na pulis-Maynila ang inimbestigahan ng San Juan City Police dahil umano sa ‘pang-aarbor’ sa dalawang bebot na ‘tulak’ na dinakip sa isang buy bust operation sa San Juan City, kamakalawa ng gabi.
Hindi na tinukoy pa ang pangalan ng apat na pulis na ang isa ay may ranggong Chief Inspector (Major) na sinasabing sumailalim sa tactical interogasyon sa Estern Police District (EPD).
Bago ang insidente, dinakip muna ng mga tauhan ng San Juan police ang dalawang babae na sinasabing pusher sa kanilang lugar.
Kinilala ang mga suspek na sina Leah Sarip at Norie Mohammad, residente ng N. Domingo, San Juan City, at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act.
Batay sa ulat ni SPO1 Gener Antazo, ng San Juan Police, nabatid na dakong alas-7:00 ng gabi nang isagawa ang buy bust operation sa loob ng isang kilalang fastfood chain sa N. Domingo St., Brgy. Balong Bato, San Juan City.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang sachet na may lamang pulbos na hinihinalang shabu, kaya’t kaagad na inaresto ang mga ito.
Agad naman nagtungo sa San Juan police ang apat na pulis -Maynila at umano’y tinangka nilang ‘arborin’ ang dalawang bebot na sinasabing target din ng mga pulis-Maynila.