MANILA, Philippines – Nabulabog ang mga kawani at mamimili sa Eastwood mall sa Libis, Quezon City makaraang sumiklab ang sunog sa basement parking area nito na lumamon sa tatlong mamahaling nakaparadang sasakyan dito, kahapon ng umaga.
Ayon kay Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, ang sunog ay nagmula sa isang residential-commercial building dito.
May apat na gusali, 39 storeys bawat isa na may limang basement ang mall, kung saan dagdag ni Fernandez ay nagsimula ang sunog sa ika-apat na basement ng parking area nito.
Diumano, isang nakaparadang sasakyan sa lugar ang bigla na lang nag-spark ang makina hanggang sa magsimulang umapoy.
Sa pag-apoy ng nasabing sasakyan ay tuluyang nadamay ang dalawa pang sasakyang nakaparada, hanggang sa mapuna na ito ng mga security personnel ng mall at simulang pagtulungang apulain.
Dagdag ni Fernandez, may 28 firetrucks ang agad na rumisponde sa lugar kung kaya umabot lamang sa ikatlong alarma ang sunog na agad idineklarang fire under control ganap na alas-12:27 ng tanghali.
Sa kasalukuyan, patuloy ang mopping operations ng pamatay sunog sa nasabing insidente na pinaniniwalaang nag-ugat sa faulty electrical wiring ng makina ng sasakyan ang sanhi nito.