MANILA, Philippines – Handang harapin ng kampo ni Makati City Acting Mayor Romulo “Kid” Peña ang kasong isinampa sa kanya ni dating Makati City Vice Mayor Bobby Brillante sa Ombudsman.
Giit ng kampo ni Peña, walang basehan at pawang kasinungalingan ang kasong isinampa laban sa kanya ni Brillante, na may kinalaman sa umano’y maanomalyang bidding process sa cake na ibinibigay ng lungsod sa mga senior citizens, na nagdiriwang ng kanilang kaarawan.
“This is outright ridiculous. How can be that possible when our bidding process where Goldilocks was selected was above board and even open to the media for public scrutiny?” ani Gilbert Delos Reyes, tagapagsalita ni Peña.
Malinaw aniya na ang kaso ay isang paninira lamang sa reputasyon ni Peña na seryosong nagsusulong ng pagbabago at paglilinis sa city hall.
Ang lahat ng hakbang na ginagawa umano ng kasalukuyang administrasyon ay dumaan sa legal na proseso at walang tinatago.
“Ang malabnaw na kasong ito ay patunay lamang na natatakot na ang pwersa ng katiwalian sa mga repormang ipinatutupad ni Mayor Peña sa Bagong Makati,” dagdag pa ni De los Reyes.
Nakakatiyak umano silang maibabasura rin ang kaso dahil sa kawalan ng sapat na basehan para suportahan ito.
Sa isinampang reklamo ni Brillante, sinasabi nitong nagkaroon umano ng iregularidad sa naturang bidding process ng cake partikular ang pagkakaroon ng overpriced.
Ang Goldilocks ang nanalong bidder na kung saan ay nag-iisa lang din itong lumahok sa bidding.
Kasong paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices Act at Government Procurement And Reform Act ang isinampang reklamo.
Matatandaan, na ang pamimigay ng cake ni suspended Makati City Mayor Junjun Binay ay naging kontrobersyal dahil sa alegasyon na ito umano ay overpriced at sinasabing ang supplier nito ay konektado sa mga Binay.
Dahilan upang ipasya ni Peña na palitan ang supplier nito nang maupo ito bilang acting mayor ng lungsod.