MANILA, Philippines – Arestado ang tatlong lalaki na nagpakilalang mga miyembro umano ng Philippine Army makaraang makumpiska sa kanila ang dalawang iligal na baril sa loob ng isang KTV Bar sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang mga dinakip na sina Lawrence Paulo Mercado, 30, ng Brgy. Tañong, Malabon; Gerardo Francisco Mercado, 29, at Jose Miguel Antonio Mercado, 23, kapwa ng Marcelo Street, Baritan, Malabon. Sa tatlo, tanging si Jose Miguel Antonio ang makumpirma na enlisted personnel ng Philippine Army.
Sa ulat, dakong alas- 5:30 ng madaling-araw nang rumesponde sa paghingi ng saklolo ang mga tauhan ng Police Community Precinct 6 sa Bitoy KTV Bar sa may Estrella Street, Brgy. Tañong, dahil sa presensya ng mga armadong lalaki na umiinom sa loob.
Nang puntahan ng mga pulis, unang nakumpiska kay Lawrence ang isang “improvised shotgun” na may isang 12mm na bala. Pumagitna naman sina Jose Miguel at Gerardo na nagpakilalang mga tauhan ng Army.
Sa kabila nito, inaresto rin ng apat na mga pulis ang dalawa. Nakumpiska naman sa posesyon ni Jose Miguel ang isang kalibre .45 na baril at isang magazine na may 7 bala habang isang patalim ang nakuha kay Gerardo at isang bala ng kalibre. 45 baril.
Nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunitions) dahil sa walang maipakitang papeles sa mga baril.