Lady trader inutas sa Caloocan
MANILA, Philippines – Muli na namang nakalusot sa Caloocan City Police ang mga kriminal na riding-in-tandem nang pagbabarilin at mapatay ang isang negosyanteng ginang, kahapon ng umaga.
Tadtad ng bala ng baril ang nasawing si Liza De Jesus, 41, may-ari ng Ronnie and Liza Hog Dealer Stall at residente ng Dagat Dagatan Brgy. 12, ng naturang lungsod.
Kritikal naman dahil sa tama ng bala ang matansero na si Jonnel Varquez, 31; habang sugatan ang dalawang helper na sina Jimboy Baslote, 19; at Digno Yasay, 18, pawang mga stay-in sa bahay ni De Jesus.
Sa ulat, naganap ang pamamaril dakong alas- 5:27 ng umaga sa tapat ng meat stall nito sa may Lot 19H Block 16C Phase 3-B, Brgy. 12 Dagat Dagatan, ng naturang lungsod.
Abala sa pag-aasikaso sa kanyang paninda ang biktima nang sumulpot ang dalawang salarin at walang sabi-sabing pinagbabaril ito, habang nadamay ang tatlo nitong tauhan.
Mabilis na tumakas ang mga salarin sakay sa motorsiklo at humarurot tungo sa direksyon ng Malabon City.
Narekober sa lugar ng krimen ang anim na basyo ng bala buhat sa kalibre .9mm na baril. Patuloy namang inaalam ng pulisya ang motibo sa krimen kabilang ang posibleng may kaugnayan sa negosyo ni De Jesus.
- Latest