Fish holiday muling inilarga sa Navotas

MANILA, Philippines – Muling  nagpapatupad ng fish holiday ang samahan ng mga mangingisda at tindera sa Navotas Fish Port sa pa­tuloy nilang paglaban sa isinasaad ng inamiyendahang Fisheries Code of the Philippines.

Nabatid na isang memorandum ang inilabas ng Navotas Fish Traders Association sa mga mangingisda, manininda, at mamimili na nananawagan ng suporta sa dalawang araw na fish holiday.

Kinokondena ng grupo ang mataas na multa mula P100,000- P150,000 sa lahat ng maliliit na bangkang pangisda at P1 milyon sa malala-king bangka na lalagpas sa 15 kilometrong limitasyon ng municipal waters mula sa pampang.

Ayon sa grupo, ikinukonsidera nilang ‘hatol na kamatayan’ sa kanila ang naturang batas dahil sa hindi na nila mapapakain ang kanilang mga pamilya.

Kahapon ng umaga, maraming mga stalls sa Navotas Fish Port 3, 4, at 5 ang sarado habang ang mga bukas lamang ay ang mga nagtitinda ng isdang tabang. Normal naman ang operasyon sa Fish Port 2.

Dahil sa protesta na tinawag nilang “Welgang Dagat”, inaasahang aakyat ang presyo ng isda sa ilang pamilihan sa Metro Manila dahil sa posibleng kakapusan sa suplay.

Ito na ang ikatlong fish holiday na ipinatupad ng grupo kung kailan nagsagawa pa ng programa sa Rizal Park nitong Setyembre 2.

Show comments