MANILA, Philippines – Umarangkadang muli ngayong Setyembre ang values formation family day program ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na sinimulan noong taong 2011.
Sa ilalim ng programa, sa pakikipagtulungan ng Vice Mayors Office at ng Division of QC Schools ay naglaan ang mga ito ng apat na weekend training workshop para sa mga magulang ng lahat ng QC public elementary at high school students.
“The program aims to instill and nurture proper and desirable values among parents so that they will become responsible, caring, law-abiding parents and members of community”, pahayag ni Belmonte.
Anya mahigit na sa 13,000 magulang ang nakakumpleto na ng programa at may 6,390 pang mga magulang ng mga mag-aaral sa 142 public elementary at high schools ang magtatapos ngayong Setyembre.
Ngayong taon, ang tanggapan ni Belmonte at Division of City Schools ay nakipagtulungan sa Movie and Television Review and Classification Board para mai-promote ang ‘Matalinong Panonood ng Pamilya ni Juan at Juana campaign’.
Ang movie screening at orientation ay ginagawa sa Amoranto Stadium. Ang naturang programa ay magkakasamang itinataguyod nina Vice Mayor Belmonte, MTRCB chair Eugenio Villareal at Dr. Elizabeth Quesada-Supe-rintendent ng School Division sa QC.