MANILA, Philippines – Bilang bahagi nang pagpapaluwag ng EDSA para maresolbahan ang trapik, nagpatupad ng clearing operation ang pamahalaang lungsod ng Makati mula sa Guadalupe Nuevo at Guadalupe Viejo (Loyola) laban sa mga traffic obstruction tulad ng mga sidewalk vendor.
Ayon kay Makati Acting Mayor Romulo “Kid” Peña, ang nasabing paglilinis ay ginawa upang magkaroon ng ligtas at sapat na espasyo para sa mga naglalakad na mamamayan sa halip na gamitin ang highway.
“Nakagisnan na natin ang mga vendor sa mga bangketa ng Guadalupe Nuevo, kung kaya’t ang mamamayan ay napipilitang maglakad sa highway. Ang matagumpay na operasyong ito ay isang pangkalahatang pagsusumikap, at nagpapasalamat ako sa DES at PSD sa pag-aasiste sa Makati sa makabuluhang aktibidad na ito,” ayon kay Peña.
Sinabi ni Peña na hindi nila pinaalis ang mga vendor, nagkaroon lamang sila ng maayos na pag-uusap at iminungkahi nila sa mga ito na itigil na ang pagtitinda sa bangketa at nagtalaga sila ng isang lugar para sa pagtitindahan ng mga ito.
Bukod dito, lahat ng jeep ay hindi na pinapayagang magtagal sa pagsasakay ng mga pasahero, kailangan nilang umandar agad kapag ang traffic signal sa Cloverleaf ay nasa berde na.