MANILA, Philippines – Bumagsak na sa kamay ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang miyembro ng kilabot na “Akyat Bahay gang” na pinaniniwalaang responsable sa serye ng pagnanakaw sa mga tahanan sa lungsod matapos na maaktuhang tumatakas tangay ang mga gamit ng pinasok nilang bahay dito, iniulat kahapon.
Sa ulat kay QCPD Director P/Chief Supt. Edgardo Tinio ng tanggapan ng La loma Police Station, nakilala ang mga suspect na sina Danjo Visca, 22, at Steve Bernardino, 22; pawang mga residente ng Camarin Caloocan City.
Ayon sa ulat, ang mga suspect ay naaresto makaraang pasukin ng mga ito ang bahay ng isang Maria Celia Lorenzo, 57, may asawa, private employee at naninirahan sa no.22 Mariveles St.,Brgy. Paang Bundok, sa lungsod.
Nangyari ang insidente ganap na alas 4:30 ng madaling araw nang pasukin ng mga suspect ang bahay ng biktima habang natutulog ang buong pamilya nito.
Sinasabing nagawang makapasok ng mga suspect sa bahay ng biktima sa pamamagitan ng puwersahang pagbukas sa pintuan.Tinangay ng mga suspect ang computer laptop na nagkakahalaga ng P20,000 at isang Samsung LCD 32 inches na halagang P55,000.
Subalit habang papatakas ay naispatan ang mga suspect ng mga nagpapatrulyang tropa ng La loma Police at barangay tanod ng San Isidro Labrador saka sinita ang mga ito at inaresto. Nabawi rin ng mga otoridad ang mga gamit ng nasabing biktima.
Ang mga suspect ay nakapiit ngayon sa La loma Police Station habang hinihintay ang pagsasampa ng kasong robbery laban sa kanila.