MANILA, Philippines – Sugatan ang anak ng basketball living le-gend at dating Senador Robert Jaworski matapos itong makipagbarilan sa mga pulis habang arestado naman ang kasama nito sa isinagawang buy-bust operation, kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Ginagamot ngayon sa Makati Medical Center (MMC) si Ryan Joseph Jaworski, 40, ng Corinthian Garden, Quezon City, sanhi ng tinamong tama ng bala sa kanang hita.
Nasa custody naman ng pulisya ang isa pang suspect at kasama nitong si Joselito Au, 52, isang Tsinoy, residente naman ng V.V. Soliven, Green Park, Cainta, Rizal.
Isa pang kasamahan ng mga ito ang nakatakas.
Lumalabas sa imbestigasyon ni SPO2 Nilo Sadsad, ng Homicide Section, Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City Police, naganap ang insidente alas-12:40 ng madaling araw sa panulukan ng Chino Roces Avenue at Pasay Road, Brgy. Pio Del Pilar ng naturang lungsod.
Nabatid na nakatanggap ng report ang pulisya hinggil sa illegal na gawain ng mga suspek, dahilan upang ikasa ang buy-bust.
Nabatid, na natunugan ng mga suspect na aarestuhin sila ng naturang operatiba, dahilan upang magpaputok ng baril ang batang Jaworski kung kaya napilitang gumanti naman ng putok ang mga pulis hanggang sa tinamaan ito sa kanang hita.
Matapos ang engkuwentro ay dinala sa naturang ospital si Ryan Joseph at ang kasama nitong si Au ay mabilis namang inaresto.
Narekober sa mga ito ang isang shotgun riffle, 19 na pirasong fire cartridges mula sa M-16 riffle, 14 mula sa 9mm at 2 piraso mula sa caliber .40.
Si Ryan Joseph ay isa sa mga anak ni basketball living legend at dating Senador Robert Jaworski, kung saan ang batang Jaworski ay nadakip noong mga nakaraang taon matapos itong masangkot sa droga.