Dayo itinumba sa Tondo

MANILA, Philippines – Patay ang isang 42-anyos na lalaki nang pagbabarilin sa ulo ng hindi pa tukoy na salarin, habang naglalakad sa Quezon St., Tondo, kahapon ng magdaling araw.

Isang bala sa likod ng ulo at isa sa pisngi ang sanhi ng kagyat­ na kamatayan ng biktimang kinilalang si Ricardo Sabado­, residente ng Block 6 Maypajo, Caloocan City.

Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide­ Section, dakong alas- 4:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Quezon St.,  Tondo.

Papauwi na umano ang biktima kasama ang magka­live-in na sina John Paul Varona at Morena Desavillo nang may sumulpot sa kanilang likuran at walang sabi-sabing pinaputukan si Sabado.

Nagtatakbo ang dalawa niyang kasama sa takot at nagtu­ngo sa malapit na barangay hall upang magpasaklolo at nang balikan ang kasama ay duguan na itong nakahandusay.

Nabatid na dumalaw lamang umano ang biktima sa kaniyang mga kaibigan. Inaalam ng pulisya kung ano ang motibo sa pamamaslang.

 

Show comments