Olivarez sa PNP: Baclaran linisin!
MANILA, Philippines – Inatasan ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang chief of police ng lungsod na linisin ang Baclaran hindi lamang sa operasyon ng mga sindikato na regular na nangongolekta ng tong mula sa mga illegal vendors kundi maging sa lahat ng uri ng krimen o mga kawatan na nag-ooperate rito.
Inatasan din ni Olivarez si Senior Supt. Ariel Andrade na gumawa ng mga hakbangin na lulutas sa matinding trapik at talamak na krimen na naglipana sa Redemptorist Road, Quirino Avenue gayundin sa service road ng Roxas Boulevard.
Napag-alaman ng alkalde na pagpasok ng “ber months” ay nagsulputang parang kabute ang libu-libong illegal vendors na ang iba’y mga dayuhan. Sinasabing protektado umano sila ng tinaguriang “Baclaran 7” gang sa naturang lugar.
Sabi ng mga vendor, nagbabayad kada araw sa mga lider ng “Baclaran 7”, kapalit ng pagtitinda sa lugar. Kontrolado umano ng grupo ang lugar at nagreremit sa ilang personalidad sa Parañaque kada linggo.
Ibinunyag din ng mga stall owners na regular silang nagre-remit ng halagang P300 araw-araw sa isang “Jojo”; isang “Eve; alias “konsehala”, na 20 years ng kolektor at “Adam”, runner ng isang ranking police official sa southern district.
Sa pangamba sa kanilang buhay, tumanggi na ang mga vendor na pangalanan ang tatlo pang lider ng sindikato na sinasabing mga opisyal mula sa mga tanggapan ng gobyerno”. Nasa 300 vendors lang ang nagbabayad ng tax sa city hall, habang nasa 1,000 ay iligal, ayon sa city hall records.
- Latest