Sapat na pagkain, kabuhayan tiniyak ni Erap

Ayon kay Estrada, malaki ang  maitutulong ng RKG  sa mga residente ng  Baseco dahil  nakatitiyak na may sapat na pagkain at kabuhayan lalo pa’t lumilitaw sa report ng UP na  mataas ang  kaso ng  kahirapan sa  lungsod ng Maynila. AP/Kin Cheung/Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Manila Mayor Joseph Estrada na magkakaroon ng sapat na pagkain at hanapbuhay ang mga residente ng  Baseco Compound sa Tondo, Maynila.

Ang paniniyak ay ginawa ni Estrada kasabay ng paglulu­nsad ng Rebolusyon  Kontra Gutom  (RKG)  na naglalayong mabigyan ng sapat na pagkain ang mga  mahihirap na residente ng Baseco.

Katuwang  sa proyekto ang Department of Agriculture, Department of Social Welfare and Development,  SM Foundation at Harbest Agribusiness Corp.

Ayon kay Estrada, malaki ang  maitutulong ng RKG  sa mga residente ng  Baseco dahil  nakatitiyak na may sapat na pagkain at kabuhayan lalo pa’t lumilitaw sa report ng UP na  mataas ang  kaso ng  kahirapan sa  lungsod ng Maynila.

Aniya, mas makakatipid  din ang mga residente sa  gastusin ng kanilang pagkain bukod pa sa maaari din  nila itong pagkunan ng kanilang ikabubuhay. “Mas lalakas din ang kanilang resistensiya dahil ang  gulay ay pampahaba ng  buhay”, ani Estrada.

Ipinaliwanag naman ni Cristie Angeles, Assistant Vice President for  Livelihood ng SM foundation, na tuturuan ang mga residente ng tamang pagtatanim sa loob ng  12 linggo.

Nais anilang  ipromote ang  urban farming na matagal na rin umano nilang ginawa sa ibang lalawigan.  Ang Baseco ang ika 98 lugar na kanilang  pinagtaniman kung saan isusunod nila ang lungsod ng Quezon.

Giit pa ni  Angeles, maging ang mga plastic container ay maaaring pagtaniman ng mga eskuwalahan at harapan  ng kanilang mga bahay.

Show comments