MANILA, Philippines – Sugatan ang isang ginang nang barilin ito ng isa sa riding-in-tandem na suspect na hinihinalang may kinalaman sa lupang minana ng mister ng una, kahapon ng umaga sa Malabon City.
Ang biktima na kasalukuyang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sanhi ng tinamong tama ng kalibre .45 baril sa kaliwang tainga ay nakilalang si Felicidad Sioson-Reyes, 59, residente ng Rodriguez 1, Brgy. Dam-palit ng nasabing lungsod.
Base sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Rommel Habig, ng Malabon City Police, naganap ang insi-dente alas-7:30 ng umaga sa harapan mismo ng pintuan ng bahay ng biktima sa naturang lugar.
Nabatid, na papasok ang ginang sa loob ng kanyang bahay nang bigla na lamang dumating ang dalawang suspek lulan ng isang motorsiklo na walang plaka.
Kaagad na naglabas ng kalibre .45 baril ang isa sa mga ito at pinaputukan ang ginang.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek at ang ginang naman ay dali-daling dinala sa naturang ospital ng kanyang mga kaanak.
Sa salaysay ng biktima sa mga pulis, hinala niya ay may kaugnayan sa lupang minana ng kanyang asawang si Pascualito Reyes sa Nueva Ecija ang tangkang pagpatay sa kanya.