MANILA, Philippines – Dahil sa tumataas na insidente ng carnapping, nagbabala ang Philippine National Police (PNP) kontra sa roadside parking na lumilitaw na siyang pangunahing sanhi ng pagsasamantala ng mga karnapper partikular na sa Metro Manila.
Kasabay nito, pinayuhan ni PNP Chief P/Director General Ricardo Marquez ang publiko na huwag iparada ang kanilang mga behikulo sa mga tabi ng kalsada para makaiwas na mabiktima ng mga guma-galang karnaper.
Sa tala ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) ng PNP mula Enero hanggang Setyembre 6 ng taong ito karamihan ng mga naganap na kaso ng carnapping ay nangyari sa mga kalsada na nasa 44% mula sa kabuuang naitalang 214 insidente.
Samantalang sa mga residential areas ay nasa 29 % ang nairekord o nasa 140 kaso ng carnapping.
Ayon pa sa tala, nasa 54 % o 265 kaso ng carnapping ay iniulat na nakaparada sa mga kalye sa harapan ng mga tahanan ng mga may-ari nito mula sa kabuuang 489 iniulat na kaso at ang iba naman ay puwersahang tinangay.
Sa rekord, nangunguna ang Quezon City sa may pinakamaraming naireport na insidente ng carnapping sa bilang na 213 kaso; pa-ngalawa ang Eastern Police District, 88; Northern Police District, 72; Manila Police District (MPD) 59 at 57 kaso naman ang hawak ng Sou-thern Police District (SPD).
Samantalang kapunapuna rin na sa 64 % ng mga kaso ng carnapping ay nangyayari sa pagitan ng alas-12:01 ng madaling araw hanggang alas-8 ng umaga.