MANILA, Philippines – Inalmahan ng mga pari, estudyante at iba pang mga taga-parokya ng Sta. Ana Church ang umano’y napipintong pagpapatayo ng sabungan malapit sa kanilang simbahan sa lungsod ng Maynila. Sama-samang nagmartsa mula Parish of Our Lady of the Abandoned patungong construction site na hindi kalayuan sa simbahan ang mga tutol sa konstruksiyon.
Ipinaliwanag ng grupo na hindi dapat na maitayo ang sabungan sa pangamba na makaimpluwensiya ito sa mga residente dito bukod pa sa nakasaad na bawal sa batas. Ayon kay Fr. Willy Benito, kwestiyonable ang konstruksyon dahil wala umano itong pinapakitang building permit at wala ring permit mula sa National Museum.
Maliban dito, bawal aniya ang pagtatayo nang basta-basta ng kung anu-anong gusali sa loob ng 200 meters mula sa simbahan dahil isang national heritage ang bahaging ito ng Sta. Ana. Kinakailangan aniya ang kaukulang permiso mula sa simbahan. Samantala, iniutos naman ng Manila City Engineering Office ang pagpapatigil sa construction at paghuhukay sa loob ng San Juan Compound na umano’y planong tayuan ng sabungan.
Ayon kay Manila City Engineer Armand Andres, nag-isyu siya ng notice na nag-uutos ng pagpapatigil ng construction dahil wala itong building permit. Makikita naman sa labas ng compound ang isang karatula na may nakasulat na hindi sabungan ang itatayo kundi isa umanong basketball court.