Lider ng NPA, 1 pa timbog sa Marikina
MANILA, Philippines - Umiskor ang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya kasunod ng pagkakaaresto ng isang mataas na lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at isa pa nitong kasamahan sa operasyon sa Marikina City nitong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ni Col. Noel Detoyato, Chief ng AFP Public Affairs Office Chief ang nasakoteng suspect na si Rene Nuyda Jr., gumagamit ng mga alyas John de la Cruz, Ka Red at Sung.
Sinabi ni Detoyato na si Nuyda ay tumatayong Regional Secretary ng Bicol Regional Party Committee (BRPC) ng NPA ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Rolando de Lemios Bobis ng Regional Trial Court (RTC) Branch 64 ng Labo, Camarines Norte.
Arestado rin sa operasyon si Pedro Canaleta Jr. na kasama ni Nuyda kaugnay ng pagkakasangkot sa ambush ng Army unit noong Hulyo 14, 2008 sa Brgy. Dumagmang, Labo, Camarines Norte na ikinasugat nina Pfc Michael Luzon at Roel Barnigo.
Bandang alas-12:30 ng madaling araw ng mahuli ang naturang lider ng NPA rebels sa isinagawang law enforcement operation sa Paradise St., Brgy. Malanday sa lungsod ng Marikina.
Ang warrant of arrest ay kaugnay ng kasong double frustrated murder at P200,000.00 na kinasangkutan ng suspect.
Nasamsam mula sa suspect ang isang cal. 45 pistol, isang magazine para sa cal. 45 pistol, pitong piraso ng bala ng cal. 45 pistol at dalawang fragmentation grenade.
Gayundin ang 13 laptop computers, 21 cellular phones, limang USB Broadbands, anim na USB flash drive, 32 SIM cards, limang tablets, 16 Memory cards, dalawang PDAs at P79,000.00.
- Latest