MANILA, Philippines – Dahil sa maling akala, pinagbabaril ng anak ng isang retiradong heneral ang isang van kung saan isang babae ang nasawi at dalawang iba pa ang nasugatan, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Nakilala ang suspect na si Jose Maria Abaya, anak ng ret. general ng PC na si Antonio Abaya.
Si Abaya, 50, na pamangkin din ni dating AFP Chief of Staff Gen. Narciso Abaya ay kusang sumuko sa himpilan ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) matapos ang insidente.
Kinilala naman ni QCPD-CIDU chief, P/Chief Insp. Rodelio Marcelo ang nasawing biktima na si Joyce Santos, residente ng Barangka, Marikina City. Habang ang mga sugatan ay sina Ronebert Yoot, 36; enforcer ng City Transportation Management and Development Office (CTMDO) sa Marikina City; at Duke Angelo David II, 20, binata, store manager at residente ng Brgy. Taniong Marikina City.
Ayon kay Marcelo, si Abaya ay dati nang nasangkot sa pamamaril sa isang security guard noong taong October 2012 kung saan nasampahan ito ng kasong homicide at frustrated homicide sa piskalya sa pagkasugat sa isa pa.
Nakalaya si Abaya matapos na makipagkasundo sa pamilya ng mga biktima.
Sa imbetigasyon ni PO2 Victorio Gregorio, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Katipunan Avenue, Brgy. White Plains, sa lungsod ganap na alas- 6:45 ng gabi.
Bago ito, minamaneho ni Yoot ang kanyang Hyundai Grace Van (TWJ-732) sakay ang ilang mga pasahero galing sa Megamall, Mandaluyong City, at patungo sana ng San Mateo Rizal nang pagsapit sa naturang lugar ay biglang sumulpot ang suspect na sakay ng kanyang Kawasaki motorcycle.
Mula rito, biglang naglabas ng baril si Abaya saka sunod-sunod na pinaputukan ang mga biktima na nasa loob ng van, saka mabilis na tumakas patungo sa hindi mabatid na direksyon.
Ayon sa pulisya, ginawa ni Abaya ang pamamaril sa pag-aakalang kukunin siya ng van upang muling dalhin sa rehab matapos na pumarada ito sa lugar habang naroon.
Kasong murder, frustrated murder at illegal possesion of firearms ang inihahandang isasampa laban kay Abaya.