MANILA, Philippines – Binuksan na sa lungsod ng Caloocan ang anim na “funeral homes o chapel” para sa libreng pagbuburolan ng mga namayapang residente ng lungsod buhat sa pamilyang walang kakayahan na umupa ng pribado at mamahaling chapels.
Itinayo sa Caloocan ang anim na funeral homes sa tabi ng Barangay 128 San Jose Multi-Purpose Hall para maging libreng burulan ng mga sumakabilang-buhay na residente.
Sinabi ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na naisipan niya ang naturang proyekto dahil sa matinding awa sa mga mahihirap nilang residente kapag nakikita na nakaburol ang mga mahal sa buhay sa mga kalsada at mga makikitid na eskinita.
Pawang may sariling comfort rooms ang anim na cha-pels ngunit hindi “air-conditioned”.
Sinabi ng alkalde na bukas na ang mga chapel para sa mga residenteng manga-ngailangan nito at kailangan lamang na makipagkoordinasyon sa city hall para sa pag-iiskedyul.
Idinagdag pa ni Malapitan na naghahanap pa ang pamahalaang lungsod ng iba pang lugar na mapagtatayuan ng dagdag pang libreng funeral homes para maserbisyuhan ang iba pang mga residente lalo na’t nahahati ang Caloocan sa North at South.