Car agent dedo sa riding-in-trio

MANILA, Philippines - Utas ang isang ahente ng kotse makaraang pagbabarilin ng dalawa sa tatlong lalaki na magkakaangkas sa isang motorsiklo, kahapon ng umaga sa Valenzuela City.

Nakilala ang nasawi na si Randy Castillo, 28,  residente ng Road 1 Brgy. Balubaran, Malinta, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na ulat, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima at papasok na sa trabaho dakong alas-7:30 ng umaga nang tambangan ng tatlong salarin sa isang kanto sa may Road 1, ng naturang lugar.

Iniharang umano ng mga salarin ang kanilang motorsiklo sa dadaanan ng biktima saka sunud-sunod na pinaputukan ito. Agad na tumakas ang tatlo lulan ng motorsiklo matapos ang pamamaril.

Narekober ng mga imbestigador sa lugar ng krimen ang dalawang basyong bala ng kalibre .45 na baril, 3 basyo ng bala ng kalibre .9mm pistol, at apat na mga slug.

Blangko naman ang pulis­ya sa motibo sa pamamaslang. Isa sa anggulo ang posibilidad na may kaugnayan sa trabaho ng biktima sa pagbebenta ng kotse ang pamamaslang.

Show comments