MANILA, Philippines - Pinaulanan ng bala ng baril ang kabubukas-bukas pa lamang na coffee shop ni ABS-CBN broadcaster Anthony Taberna ng dalawa sa apat na armadong kalalakihan lulan ng tig-isang motorsiklo sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), umabot sa 15 basyo ng bala ng kalibre .45 baril ang narekober sa paligid ng shop na ‘Ka Tunying’s café’ ni Taberna na matatagpuan sa Visayas Avenue, Brgy. Vasra, sa lungsod.
Sabi ni Supt. Christian Dela Cruz, apat na kalalakihan sakay ng dalawang motorsiklo ang may kagagawan ng pamamaril sa establisimento ni Taberna na nangyari ganap na alas- 2 ng madaling-araw.
Bago ang insidente, base sa pahayag ng security guard ng katabing establisyemento na si Reynaldo Bacurin, isa sa mga suspect ang lumapit sa kanya at nagsabing “Pwede ba magtanong Sir, May kargada ka ba?”
Nang sagutin ni Bacurin na “wala po sir” saka umano sinimulan ng dalawang suspect ang pamamaril sa shop ni Taberna.
Base sa kuha ng CCTV camera, makikitang isang taxi ang huminto sa lugar kasunod ang dalawang motorsiklo na kapwa may angkas sa likod. Nang maka-alis ang taxi, bumaba naman ang dalawang angkas kung saan isa sa mga ito ang nakitang nagmamadaling nagpunta sa shop.
Sa kabilang kuha ng CCTV, makikitang isa sa mga suspect na may dalang baril ang lumapit sa nakaupong guwardiyang si Bacurin at nakipag-usap ng ilang sandali saka umalis ito hanggang sa makitang nagmamadaling pumasok sa loob ang huli, kung saan sunud-sunod na pinaputukan ng dalawang suspect ang nasabing shop.
Matapos ang pamamaril ay agad na sumakay ang dalawang triggermen sa kanilang kasamahang nasa motorsiklo at sumibat palayo sa lugar.
Samantala, ayon kay Taberna, halos isang linggo pa lamang nagbubukas ang kanilang negosyo at maganda na man ang takbo nito.
Ayon kay Taberna, ayaw naman niyang mag-speculate kung sino ang may kagagawan nito, dahil kung tungkol sa negosyo ay isang linggo pa lamang anyang nag-ooperate ito.