‘Tulak’ ng droga, nilikida

MANILA, Philippines – Itinumba ng hindi pa nakikilalang suspek ang sinasa-bing ‘tulak’ ng droga na sangkot din sa holdap at karnap at itinapon ang bangkay nito sa isang bangketa sa San Juan City, kahapon ng umaga.

Ang biktima na tadtad ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ay kinilalang  si Joseph So, ng Brgy. Little Baguio, San Juan City.

Ang bangkay ng biktima ay natagpuan dakong alas-7:00 ng umaga sa kahabaan ng Gen. Lim St. Brgy. Little Baguio sa lungsod.

Ang biktima ay may suot na short pants na kulay brown, puting t-shirt, nakatali ang mga paa at kamay ng masking tape maging ang ulo nito ay binalutan din ng tape habang may tattoo sa kanyang kanang leeg ng mukha ni satanas.

Pinaniniwalaang pinatay sa ibang lugar ang biktima at itinapon lamang ito sa Gen. Lim St., upang iligaw sa imbestigasyon.

Nakuha sa bulsa ng biktima ang isang papel  na nakasulat ang salitang “carnaper, holdaper, drug pusher ako huwag tularan.”

Patuloy namang nagsasagawa ng malalim na imbestigasyon ang pulisya para mabatid kung sino ang mga salarin at maaresto ang mga ito.

Show comments