MANILA, Philippines – Tatlo ang malubhang nasugatan sa shootout na naganap sa pagitan ng mga operatiba ng ‘Task Force Tugis’ ng Camp Crame at mga taong sangkot sa illegal na droga sa lungsod Quezon, kahapon ng hapon.
Sa inisyal na ulat na ibinigay ng Quezon City Police District Station 10, ang mga sugatan na kinabibilangan ng dalawang lalaki at isang babae na agad na isinugod sa Capitol Medical Center matapos na magtamo ng mga tama ng bala sa kanilang katawan.
Naganap ang insidente, alas-4:15 ng hapon sa may Roces Avenue, kanto ng Quezon Avenue, tapat ng isang hotel sa Brgy. Paligsahan sa lungsod.
Diumano, nagsasagawa ng operation ang mga tropa ng ‘Task Force Tugis’ ng Criminal Investigation and Detection Group ng Camp Crame sa lugar kung saan isang itim na SUV na sakay ang target na personalidad ang bigla na lamang humarurot palayo.
Sa pagharurot umano ng SUV ay nagpaputok umano ng warning shots ang mga pulis pero gumanti ng putok umano ang mga sakay nito hanggang sa bumangga ito sa tatlong sasakyan at mauwi ito sa pagpapalitan ng putok.
Tumagal ng ilang minuto ang putukan hanggang sa magtamo ng mga matinding tama ng bala sa buong katawan ang mga sakay ng SUV at agad na itinakbo sa Capitol Medical Center kung saan sila kasalukuyang nilalapatan ng lunas.
Hanggang sa kasalukuyan, nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang mga otoridad sa crime scene kaugnay sa nasabing insidente upang mabatid ang tunay na pangyayari dito.