MANILA, Philippines – Patay ang isang 51-anyos na construction worker nang saksakin nang nakaalitang kainuman na nairita dahil sa pambabato sa kanilang bahay na tumama sa ina ng huli sa Baseco Compound, Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat ni PO3 Roel Santiago ng Manila Police District-Homicide Section, binawian ng buhay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang si Miguel Picardal, construction worker sanhi sa tinamong saksak sa katawan.
Sugatan din at nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang isa pang biktimang nadamay lang na si Joel Meneses, 21, helper.
Pinaghahanap na ang suspek na kinilalang si Victor “Vic” Cabacang, 27, binata at residente ng Block 1 Dubai St., Baseco. Dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang insidente.
Una umanong nag-iinuman pa ang grupo ng suspek at mga biktima nang mauwi ito sa mainitang pagtatalo Nagpasiya ang suspek na umuwi na lamang ng bahay upang makaiwas subalit sinundan siya ng mga biktima hanggang pagbabatuhin ng huli ang bahay ng una dahilan upang tamaan sa ulo ang nanay ng suspek na si Gng. Clarita Cabacang.
Nang makita ng suspek ang sinapit ng ina ay nag-init umano ang ulo nito at kumuha ng patalim. Hinabol nito ang biktima at nang makorner ay sinaksak sa kaliwang bahagi ng tiyan.
Nang subukan itong awatin ni Meneses ay binalingan naman siya ng saksak sa panga.