Caloocan-DPSTM bigo vs pedicab, illegal terminal
MANILA, Philippines – Makaraan ang ipinagmalaking pagpapaigting na kampanya laban sa mga iligal na terminal at pedicab, tila bigo ngayon ang Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) na ang kampanya na nagresulta ng matinding pagbibigat sa daloy ng trapiko sa maraming kalsada sa lungsod.
Oktubre 2014 nang iutos ni Mayor Oscar Malapitan kay DPSTM chief, Larry Castro ang walang tigil na kampanya laban sa mga pedicab driver na nagresulta noon sa pagkakahuli sa higit 18 pedicab drivers na bara-barang bumibiyahe sa Mabini St. MacArthur Highway, Samson Road, at C3 Road na mga national roads.
Tumanggi si Malapitan na itaas ang penalty na P500 bawat pedicab driver na mahuhuli habang inatasan si Castro na ituloy lang ang panghuhuli upang madala ang mga padyak boy.
Sa kabila ng kautusan, patuloy ngayon ang pamamayagpag ng mga pedicab drivers sa Samson Road partikular sa Sangandaan kung saan dito inilipat ang headquarters ng DPSTM sa dating University of Caloocan City. Bukod pa dito ang kabi-kabilang iligal terminal ng jeep sa Mabini at Samson Road sa Sangandaan, sa 10th Avenue malapit sa Caloocan City Hall at sa EDSA-Monumento.
Una nang inilapit ng PSN kay Castro noong Hulyo 26 ang naturang problema at nangako ito na bibigyan ng solusyon ang matinding trapiko habang nagkakaroon pa umano sila ng “adjustment” sa mga tao dahil sa paglipat nila ng tanggapan sa Sangandaan.
Makalipas ang halos isang buwan, patuloy pa rin ang matinding trapik sa Sangandaan area dulot ng hindi makontrol na pedicab drivers at illegal terminal. Muling tinangkang kunan ng PSN ng pahayag si Castro ngunit hindi ito sumasagot sa mensahe sa telepono habang isinusulat ito.
- Latest