Pulis Quezon City natagpuang may tama ng bala sa sentido

Mga miyembro ng Philippines National Police (PNP)

MANILA, Philippines - Isang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) ang natagpuang patay na may tama ng bala sa kanyang sentido sa loob ng kanyang tinutuluyan, kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si PO3 Julio delos Santos, 52, may-asawa, nakatalaga sa Police Station 6 at residente ng #120 J. Kapiligan St., Brgy. Doña Imelda sa lungsod.

Sabi ni PO3 Hermogenes Capili, may-hawak ng kaso, natag­puan ang biktima ng kanyang kaibigang si Wilfredo Bagunu, nang bumisita ito sa kanyang bahay, alas-6 ng gabi.

Bago ito, sabi ng kapitbahay nito na si Mary Francis Aviado, alas-3 kamakalawa ng hapon ay nakarinig siya ng isang putok na nagmula sa kuwarto ng biktima pero binalewala lamang niya ito.

Hanggang sa sumapit ang alas-6 ng gabi, nang magpunta si Bagunu sa bahay ng biktima at kinatok ang pinto nito, pero walang tumutugon kaya napilitan ito na sapilitang buksan ang kuwarto. Dito tumambad sa kanya ang duguang katawan ng biktima habang nakasandal sa ding­ding ng kanyang kuwarto.

Agad na humingi ng tulong si Bagunu sa mga kapitbahay na siya namang nagreport sa barangay at sa pulisya.

Nakuha sa tabi ng bangkay ang isang kalibre 9mm na pistola na may basyo ng bala at magazine nito.

Show comments