Operator ng Valisno bus ‘di sumipot sa hearing ng LTFRB
MANILA, Philippines – Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong Martes laban sa operator at driver ng Valisno bus na naaksidente nitong nakaraang linggo sa lungsod ng Quezon.
Pinadadalo sa susunod na pagdinig ng LTFRB si Rosalinda Valisno matapos hindi sumipot kanina sa hearing kaugnay ng aksidente na ikinasawi ng apat na pasahero at ikinasugat ng 18 iba pa.
Tanging ang abogado lang ni Valisno na si Francisco Blanes ang dumalo sa tanggapan ng LTFRB sa East Avenue, Quezon City.
Ayon kay Blanes, hindi nakadalo ang kaniyang kliyente dahil sa depresyon kasunod ng aksidente, ngunit nang hiningian ng medical certificate ang abogado ay wala siyang nabigay.
Binalaan ng isang board member na si Ariel Inton ang bus operator sa mga maaari niyang sapitin sa hindi pagdalo sa pagdinig.
"Puwede siyang (Valisno) ipakulong kasi may contempt powers ang LTFRB," wika ni Inton.
Samantala, tiniyak ng abogado na dadalo sa susunod na pagdinig ang nakaaksidenteng driver na si George Pacis.
"Baka daw piyansihan nila 'yung driver kasi nakakulong ngayon," dagdag ni Inton.
Nasakote si Pacis matapos takasan ang aksidente dahil sa umano’y pangamba sa kaniyang buhay.
Nagpositibo rin ang driver sa paggamit ng ilegal na droga.
- Latest